Lalaking Dumalo sa Debut Party sa San Mariano Isabela, Sinaksak!

San Mariano, Isabela – Sinaksak ng kapwa magsasaka ang lalaking dumalo sa isang debut party kagabi sa Brgy. Daragutan East, San Mariano, Isabela.

Sa ibinahaging impormasyon ng San Mariano Police Station, kinilala ang biktima na si Larry Bileno Javier samantala ang suspek ay si Jayson Magusib Domingo, pawang apatnapung taong gulang, magsasaka at residente ng nabanggit na lugar.

Nabatid ng mga otoridad na nagkaroon umano ng hindi pagkakaintindihan sina Javier at Domingo na humantong sa matinding sagutan ng magkabilang panig.


Ang suspek na may hawak na kutsilyo ay bigla na lamang inundayan ng saksak ang biktima kung saan ay tinamaan ang kaliwang bahagi ng kanyang tiyan at kanang braso.

Itinakbo sa pinakamalapit na pagamutan si Javier para sa karampatang lunas ngunit inilipat din sa Cagayan Valley Medical Center sa Tuguegarao City, Cagayan dahil sa kanyang malalang sugat sa katawan.

Inaresto ng mga opisyal ng barangay si Domingo at dinala sa himpilan ng PNP San Mariano para sa tamang disposisyon.

Facebook Comments