Tuesday, February 10, 2026

Lalaking estudyante na biktima ng hulidap ng 10 pulis sa Angono, Rizal, naghain ng reklamo sa NAPOLCOM

Patung-patong na kasong administratibo ang kinakaharap ng 10 pulis na nakatalaga sa Angono Police Station sa Rizal matapos umanong arestuhin, kotongan, at pagnakawan ang isang lalaking working student.

Dumating ngayong araw sa National Police Commission (NAPOLCOM) ang biktima na kinilalang si Nestor Macabenta Jr., isang third year criminology student, upang manumpa at magsumite ng pormal na reklamo.

Sa salaysay ni Macabenta, November 10 noong nakalipas na taon nang arestuhin siya ng mga pulis na nakatalaga sa Angono Police Station habang sakay ng motorsiklo.

Inakusahan umano ang estudyante na sangkot sa pagbebenta ng ilegal na droga.

Sa kuha ng video noong hapon ng November 10, makikitang nagsasagawa ng anti-illegal drugs operation ang Angono Police Station sa Botong Francisco Avenue, Barangay San Isidro, bayan ng Angono.

Sa dulo ng video, makikitang napadaan lamang ang nakamotorsiklong estudyante sa gitna ng isinasagawang operasyon ng mga pulis, kung saan siya pinara at kalauna’y ikinulong nang mahigit dalawang buwan.

Ayon kay Macabenta, sa mga unang oras pa lamang ng kaniyang pagkakaaresto ay hiningan na siya ng mga pulis ng ₱50,000, na ipinadaan umano ng kaniyang kapatid sa pamamagitan ng GCash.

Bukod dito, ninakaw rin umano ng mga pulis ang suot niyang singsing na pamana sa kanya ng kanyang yumaong ina.

Kinumpirma rin ng NAPOLCOM na natukoy na ang pagkakakilanlan ng 10 pulis na sangkot sa insidente, kabilang ang isang police captain na nagsilbing team leader ng anti-illegal drugs unit na nagsagawa ng operasyon at umaresto sa biktima.

Facebook Comments