Sugatan ang isang lalaki matapos atakihin ng isang buwaya sa Barangay Sebaring, Balacbac, Palawan nitong Huwebes.
Kinilala ang biktima na si Boyet Cayao, 30-anyos, residente sa naturang lugar.
Ayon kay Jovic Fabello, tagapagsalita ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS), nakalusong sa tubig ang papauwing lalaki nang biglang sugurin at sakmalin ng buwaya pasado alas-10 ng gabi.
Masuwerteng nailigtas si Cayao ng kaniyang kaanak.
“Ang pagkaka-describe lang malapad ang buwaya meaning kung malapad, ang probability malaki rin ito. Matagal na pala itong ng umaaligid-aligid sa silong ng bahay nila (Cayao),” anang Fabello.
Nasa 22 sugat ang tinamo ng biktima sa iba’t-ibang bahagi ng katawan. Agad siyang isinugod sa ospital sa Bataraza at kasalukuyang nagpapagaling na.
Hiling ng pamilya Cayao, sana mahuli na raw ang lahat ng buwaya sa lugar upang wala nang mapahamak pa.
Ito ang unang insidente ng pag-atake ng buwaya sa bayan ng Balabac ngayong taon.