LALAKING INIREKLAMO DAHIL SA PANANAKIT SA ASAWA, NAHULIHAN NG BARIL AT ILEGAL NA DROGA

Patong-patong na kaso ang kakaharapin ng isang lalaki matapos ireklamo ng pananakit ng sariling asawa sa Manaoag, Pangasinan.

Ayon sa imbestigasyon, personal na humingi ng saklolo sa himpilan ang asawa ng suspek matapos umanong sakalin, at bantaang papatayin gamit ang patalim na muntik nang makahiwa sa kanyang leeg.

Agad na rumesponde ang kapulisan sa lugar kung saan namataan ang suspek na may hawak na baril at kaagad namang naaresto.

Nakumpiska mula sa suspek ang iba’t ibang ebidensya kabilang ang humigit-kumulang 0.30 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na ₱2,040.00, at isang kalibre .38 na revolver.

Sasampahan ang suspek ng paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 dahil sa nakumpiskang ilegal na droga, RA. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act dahil sa nakumpiskang armas, at RA. 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act dahil sa pananakit sa kanyang asawa.

Binigyan diin naman ng Pangasinan Police Provincial Office ang kanilang matatag at mabilis na pagtugon sa mga ulat ng karahasan, pagsugpo sa ilegal na droga at baril, at sa pagbibigay-proteksyon sa kaligtasan at karapatan ng publiko, lalo na ng kababaihan at mga bata. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments