LALAKING KINURSUNADA NG MAGKAPATID NA SUSPEK, NASAWI MATAPOS PALUIN NG TUBO SA ULO

Dead on arrival sa pagamutan ang isang magsasaka matapos dalawang beses na hampasin ng tubo sa ulo habang nakikipag-inuman sa Brgy. Payas, Zone 5, Sta. Barbara, Pangasinan.

 

Sa panayam ng IFM News Dagupan kay Sta.Barbara Deputy Chief-of-Police PMAJ Maria Theresa Meimban, bigla na lamang dumating ang dalawang suspek sa inuman na kinaroroonan ng biktima nang bigla umanong kinursunada ng mga suspek.

 

Dumating din umano ang live-in partner ng biktima nang mabalitaan ang kaguluhan upang umawat ngunit ininsulto rin umano ng mga suspek dahilan upang protektahan ng biktima at mas tumindi pa ang sagutan sa dalawang panig.

 

Dito na hinampas ng isang suspek ang biktima gamit ang tubo sa ulo at tinangka pang saksakin ng isang suspek ngunit naagaw ng biktima ang patalim at ginamit sa suspek. Sinubukan pang tumakbo ng biktima ngunit hinampas muli ito sa ulo.

 

Agad kumaripas ang mga suspek ngunit naaresto rin kalaunan sa tinakbuhang ospital upang makapagpagamot. Nasa kustodiya na ng pulisya ang isang suspek habang isinailalim naman sa hospital arrest ang isa pa.

 

Inihain na sa korte ang kaukulang kaso na haharapin ng magkapatid.

Facebook Comments