Nahuli ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang isang lalaking nagbebenta ng mga pekeng gamot.
Kinilala itong si Edilberto Tomenio Traboco aka “Edel”, 41-anyos, distributor ng mga pekeng gamot.
Siya ay nahuli matapos ang ikinasang operasyon ng Cordillera Police nitong February 23, 2022 sa Mankayan, Benguet.
Nakuha sa kanya ang mga pekeng brands ng antibiotics, pain relievers, mucolytic, at paracetamol.
Kinasuhan na ang suspek ng paglabag sa Republic Act 8203 o ang Special Law on Counterfeit Drugs.
Ipinag-utos naman ni PNP Chief Gen. Dionardo Carlos sa kanyang mga tauhan sa field na mas paigtingin ang operasyon laban sa mga hoarder at mga nagbebenta ng mga pekeng gamot alinsunod na rin sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na habulin ang mga criminal group na nananamantala ngayong panahon ng pandemya.