Lalaking lumabag daw sa ECQ, ‘bugbog-sarado’ sa mga pulis

Image from Ronaldo Campo

(BABALA: GRAPIKONG LARAWAN)

Kalunos-lunos ang sinapit ng isang residente sa General Trias, Cavite na lumabag daw sa ipinatutupad na curfew.

Ang biktimang kinilalang si Ronald Campo, napuno ng pasa ang mukha at katawan, nabasag ang buto sa pisngi, at pumutok ang ulo matapos umanong bugbugin ng mga naninitang pulis.


Kuwento ni Ronald, nakatulong daw siya sa plaza ng Barangay San Francisco noong Mayo 12 ng madaling araw nang gisingin ng isang sibilyan dahil kakausapin daw sila ng awtoridad.

Makaraang pagpush-up-in, dinala raw siya ng mga ito sa isang liblib at madilim na lugar.

Tumakas ang biktima bunsod ng naramdamang takot, dahilan para habulin siya ng mga pulis.

Nang ma-korner ang lalaki, doon na siya walang-awang ginulpi ng kinauukulan.

Pero mariing itinanggi ng General Trias Police ang paratang ni Ronald.

Giit ng pulisya, nagtamo ang lalaki ng mga pasa at bali sa iba’t-ibang parte ng katawan matapos bumangga sa mga nakaparadang motorsiklo, tumalon sa creek na puno ng basag na bote at lumundag sa swimming pool na walang tubig.

Pumutok daw ang ulo ng biktima nang hampasin siya ng arnis ng pinasok na bahay.

Kasalukuyang nagpapagaling sa pagamutan si Ronald na mahaharap daw sa patong-patong na kaso.

Nakarating na sa Palasyo ang naturang insidente at nangakong paiimbestigashan sa Philippine National Police (PNP) ang naganap umanong pananakit.

Facebook Comments