
Cauayan City — Arestado ang isang lalaking kinilalang si “Alfonso” sa Magsaysay St., Brgy. Victory Sur, Santiago City, matapos ipatupad ng pinagsanib na puwersa ng CMFC at Police Station 1 ang warrant of arrest kaugnay ng dalawang kasong kriminal na may kinalaman sa paglabag sa Social Security Act of 1997 (RA 8282), na inamyendahan ng RA 11199.
Isinagawa ang operasyon nitong Nobyembre 17, 2025, ganap na alas-dos ng hapon at isinilbi sa kanya ang Criminal Case Numbers 15680 at 15681, partikular ang paglabag sa Sections 18 at 19 kaugnay ng Section 28(E), at Section 24(D) kaugnay din ng Section 28(E) ng RA 11199.
Tumutukoy ang mga probisyong ito sa obligasyon ng employer at indibidwal na magsumite at magbayad ng tamang kontribusyon sa Social Security System (SSS).
Ayon sa batas, ang kabiguang isumite o bayaran ang SSS contributions ay itinuturing na offense na may kaukulang pananagutang kriminal, lalo na kung nagresulta ito sa pagpapabaya sa benepisyo at karapatan ng mga empleyado. Bawat kasong kinakaharap ni “Alfonso” ay may inirekomendang piyansang P72,000.
Nabatid ding kabilang ang suspek sa talaan ng E-warrant system, at ang operasyon ay naisakatuparan alinsunod sa TIP No. I-2025-14-PRO2-SCPO-CMFC, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng kapulisan laban sa mga wanted persons.
Bago dinala sa Police Station 1 para sa booking at dokumentasyon, ipinaalam sa suspek ang kanyang karapatang konstitusyonal alinsunod sa Miranda Doctrine. Siya ay mananatili sa kustodiya ng pulisya habang hinihintay ang turnover sa korte na naglabas ng warrant.
Patuloy namang pinalalakas ng Santiago City Police ang operasyon kontra mga lumalabag sa batas, lalo na ang mga kasong may kinalaman sa financial obligations sa mga empleyado.









