Lalaking may sakit sa puso, namatay sa loob ng horror house

Image via klook.com

Nauwi sa pighati ang masayang bonding ng isang magkakaibigan matapos bawian ng buhay ang isa nilang kasama nang atakihin ito sa puso habang naglilibot sa isang horror house sa lungsod ng Quezon nitong Linggo.

Sa imbestigasyong isinigawa ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), kinilala ang nasawi na si Arlan Thaddeus Eusebio, 44, at nakatira sa Balagtas, Bulacan.

Nangyari ang insidente bandang alas-singko ng hapon sa loob ng “Asylum Manila”.

Salaysay ni Oliver Lopez, isa sa mga kaibigan ng namatay, napansin niyang biglang nangatog at napaupo sa gilid si Eusebio hanggang sa tuluyang mawalan ng malay.

Aniya, mainit at wala masyadong hangin ang ilang parte ng nasabing horror house.

Sinugod ang biktima sa St. Luke’s Medical Center pero idineklara itong dead-on-arrival dakong alas-sais ng gabi.

Ayon kay Hershey Eusebio, may komplikasyon sa puso at diabetes ang kaniyang mister ngunit pinili pa din pumirma ng waiver at pumasok sa nasabing horror house.

Hinanakit ng misis ni Arlan, hindi ito nabigyan agad ng paunang lunas ng staff ng “Asylum Manila”.

Dagdag pa niya, nananatili pa ang kabiyak ng halos 30 minuto bago nadala sa pagamutan.

Samantala, nakiramay na ang pamunuan ng “Asylum Manila” at nag-alok na rin ng tulong sa naiwanang pamilya ng biktima

Giit nila, wala silang kasalanan sa pangyayari dahil maraming nagkakaroon ng sakit sa puso at maaring atakihin sa hindi inaasahang panahon.

Mas mainam daw na hindi pumasok sa mga nakakatakot na atrasyon ang mga taong may karamdaman para maiwasan ang anumang sakuna.

Facebook Comments