SCOTLAND, UK – Isang masamang balita ang bumungad sa lalaking na-comatose ng tatlong linggo dahil sa COVID-19 nang magising siyang wala ng ina at ang kinakasama nito matapos tamaan ng sakit.
Ayon kay Scott Miller, 43, sa panayam ng BBC, kasama niya sa tinutuluyang apartment ang inang si Norma, 76, na mayroong dementia at ang 69-anyos niyang amain.
Kwento niya, Marso 21 nang mapansin niyang may mali sa kondisyon ng nanay kaya agad itong nasugod sa Edinburgh Royal Infirmary na kalauna’y nasuriang may COVID-19.
Bago matapos ang linggo ay siya naman daw ang naospital na agad na-coma.
Linggo ng umaga nang masawi ang ina habang siya ay nakikipaglaban sa kanyang buhay noon.
Ayon sa sister-in-law niyang si Sharlene Miller, habang nagdadalamhati sila sa pagkawala ng ina at nobyo nito, palala raw nang palala ang kalagayan ni Scott.
“We were at the point where we were maybe going to have to make a decision about turning off his life support,” anito.
Abril 15 nang makatanggap ito ng tawag mula sa ospital at buong akala raw nila ay hindi na rin kinaya ni Scott ang sakit.
Ngunit laking pasasalamat umano nila na naisalba ang buhay nito.
Nang magising matapos ang tatlong linggong pagkaka-comatose, ibinalita ng nurse kay Scott na hindi na kinaya ng ina ang pakikipaglaban sa virus.
Hindi pa rin daw siya makapaniwala na wala na ang dalawang taong kasama niya sa araw-araw buong buhay niya.
Paalala rin niya sa lahat, mas paigtingan ang pag-iingat laban sa COVID-19.
Aniya, ang coronavirus ay isa umanong real killer.