LALAKING NAG-AMOK, SINUNOG ANG SARILING BAHAY AT NAHULIHAN NG ILIGAL NA DROGA

Arestado ang isang 39-anyos na lalaki matapos mag-amok at sunugin ang sariling bahay sa San Carlos City, Pangasinan.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nagdulot ng matinding takot at abala sa kanyang pamilya at mga kapitbahay ang suspek nang lumikha ito ng gulo at sadyang sunugin ang kanyang tirahan.

Dahil dito, humingi ng tulong ang mga residente sa pulisya. Pagdating ng mga tauhan ng San Carlos City Police Station kasama ang mga opisyal ng barangay, naging agresibo at arogante ang suspek. Patuloy itong sumisigaw at nagwala, dahilan upang arestuhin siya ng mga awtoridad.

Sa isinagawang body search, isang sachet ng hinihinalang shabu ang biglang nalaglag mula sa bulsa ng suspek na tinatayang may halagang PhP476.00. Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek at nahaharap sa kaukulang mga kaso. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments