Pinatatawag ng Land Transportation Office (LTO) ang lalaking nag-viral matapos kunan ang video ang sarili habang nagmamaneho habang nakaupo sa harapang passenger seat.
Sa statement ng Department of Transportation (DOTr), ipina-summon ng LTO ang lalaking nagngangalang Miko Lopez at kakasuhan ng reckless driving, illegal modification, hindi pagsusuot ng seatbelt at improper person to operate a motor vehicle.
Ire-revoke din ang lisensya ni Lopez at didiskwalipikahin ang kanyang re-application.
Kapag hindi siya sumipot, ang LTO na ang magreresolba sa isyu base na rin sa ebidensya.
Sa video, makikitang nagmamaneho si Lopez sa passenger seat habang naninigarilyo at bumubusina sa gitna ng masikip na trapiko.
Ayon kay LTO Executive Director Romeo Vera Cruz – patunay lamang sa video na hindi siya nararapat na magmaneho ng sasakyan.
Sinabi naman ni DOTr Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Mark De Leon – hindi nila palalagpasin ang mga ganitong uri ng driver at papapanagutin ito.
Hinikayat din ng DOTr ang publiko na isumbong ang mga kaparehas na paglabag at tiniyak na agad itong aaksyunan.