Lalaking nag-viral matapos magmaneho habang nasa passenger seat, tinanggalan na ng lisensya

Binawi ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng lalaking nag-viral sa video dahil sa pagmamaneho ng kotse habang nakaupo sa passenger seat.

Ang motorista ay kinilalang si Luis Miguel “Miko” Lopez.

Sa memorandum na inilabas ng LTO, patung-patong na paglabag ang ginawa ni Lopez gaya ng speeding, reckless driving, hindi paggamit ng seatbelt, nagmamaneho na walang steering wheel o unauthorized motor vehicle modification.


Bukod sa revocation ng kanyang driver’s license, papatawan din ng mga multa si Lopez na nagkakahalaga mula 1,000 hanggang 5,000 pesos.

Pagbabawalan na rin si Lopez na kumuha pa ng driver’s license.

Ayon sa LTO, bigong sumipot ang motorista sa kabila ng subpoena na inisyu sa kanya noong May 29, 2019.

Para kay Transportation Secretary Arthur Tugade – magsilbi itong babala sa mga motoristang hindi sumusunod sa batas trapiko.

Hinimok naman ni LTO Chief, Assistant Secretary Edgar Galvante ang publiko na isumbong ang mga iresponsableng motorista.

Facebook Comments