Dahil tatlong beses nang bumagsak sa driving test ang isang 60-anyos na ginang sa Porto Velto, Brazil, minabuti ng mapagmahal niyang anak na lalaki na humalili sa ikaapat na test noong Disyembre 10.
Ngunit sa kabila ng pagsusumikap ni Heitor Schiave na maging kamukha ng kanyang ina, nabuking siya ng driving examiner dahilan para kasuhan ng identity fraud at tangkang panloloko sa awtoridad, ayon sa ulat ng Daily Mail.
Nagbihis ang 43-anyos na anak ni Maria Schiave ng bulaklaking blouse, mahaba at berdeng palda, at kinumpleto ang pagpapanggap sa pulang nail polish at ayos ng buhok.
Hindi naman naloko ang examiner na si Aline Mendonca na nagduda sa kilos, kapansin-pansin na malaking mga kamay at kakaibang taas ng boses ni Heitor.
Nanghingi ng ID ang examiner at nakumpirmang nagbihis babae lamang si Heitor.
Nagsumbong sa pulisya si Mendonca at agad namang umamin sa krimen si Heitor.
Ayon sa lalaki, hindi alam ng kanyang nanay ang ginawa niyang panloloko.
Nakalaya rin naman si Heitor matapos magpiyansa.