
Arestado ng mga tauhan ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang isang lalaki sa Bicutan City, Taguig matapos maaktuhang nagbebenta ng text blasting machine na sinasabing mula sa mga dating Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Ayon kay PNP-ACG Director PBGen. Bernard Yang, binebenta online ang mga text blasting machines sa halagang P30,000 kada isa.
Sa pamamagitan ng cyber patrolling, natukoy ng mga operatiba ang ilegal na aktibidad at agad na ikinasa ang entrapment operation.
Sa nasabing operasyon, natawaran pa ng mga undercover agents ang presyo at nakuha ito sa halagang P25,000 bawat piraso.
Dagdag pa ni Gen. Yang, nang magsara ang mga POGO, ginawang raket ng mga dating empleyado ang pagbebenta ng mga text blaster sa mga indibidwal na nagnanais umanong gamitin ito para sa panloloko.
Paliwanag ni Yang, kayang lagyan ng hanggang 35 SIM cards ang isang text blasting machine, kaya malaki ang potensyal nitong gamitin sa mga scam messages.
Muli namang nagpaalala ang PNP-ACG sa publiko na huwag kumagat sa mga kahina-hinalang text messages upang makaiwas sa panloloko.









