
Arestado ang isang lalaki matapos itong maglabas at magkasa ng baril sa nagaganap na inuman sa bayan ng Santa Maria, Pangasinan, kaninang madaling-araw, Disyembre 25, 2025.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Santa Maria Municipal Police Station, bandang alas-12:30 ng madaling-araw nang pumasok ang 36-anyos na suspek sa loob ng compound kung saan sumama ito sa mga nag-iinuman.
Sa kalagitnaan ng inuman, inilabas nito ang dalang baril at ilang beses na ikinasa nang walang malinaw na dahilan, na nagdulot ng takot at alarma sa mga naroroon.
Agad na rumesponde ang mga pulis matapos ang ulat ng insidente, kung saan namataan ang suspek na kalauna’y boluntaryong isinuko ang baril.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang 9mm pistol, dalawang magazine assembly, at 21 piraso ng live ammunition.
Dinala ang suspek at ang mga nakuhang ebidensya sa Santa Maria Municipal Police Station para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong Alarm and Scandal at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.







