Lalaking Nagnakaw at Nanaksak ng Babae, Bagsak sa Kulungan!

Cauayan City, Isabela – Bagsak sa kulungan kahapon ang isang lalaki matapos na makita sa CCTV ng isang cellphone shop na nagnakaw ng mga mamahaling cellphones at pera sa National Highway ng Cabaruan, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang suspek na si June Bautista Telano, 39 taong gulang,laborer at residente rin ng San Fermin Cauayan City habang ang mga biktima ay sina Angelica Magaro Remigio, 19 taong gulang;Erica Faye De Leon Abala, 19 anyos;Joanalyn Diamante Valencia, 23 taong gulang at Moca Almanar Bongcarawan, 37 taong gulang, may asawa at pawang nagtratrabaho sa cellphone shop at mga residente rin ng Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Batay sa ipinarating na impormasyon ng Isabela Police Provincial Office, nakita sa CCTV ng establisyementong pinapasukan ng apat na biktima ang suspek na nagnakaw ng dalawang mamahaling celphones,bluetooth speaker at pera na isang libong piso.


Ito naman ang dahilan na hinanap ng apat na biktima ang suspek at nang makarating sa Cabaruan ay nakita nila ang suspek na dahilan naman para komprontahin ni Bongcarawan si Telano.

Sa kasagsagan ng komprontasyon ay naglabas kaagad ng patalim ang suspek at pinagsasaksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Bongcarawan habang tumawag naman kaagad ng pulis ang tatlong biktima.

Nagresponde naman ang mga tauhan ng PNP Cauayan City at matagumpay na naaresto ang suspek.

Sa ngayon ay nakakulong na si Telano at mahaharap sa kasong Pagnanakaw at Attempted Homicide.

Facebook Comments