Quezon City – Kahit nabuko na ay todo-tanggi pa din ang isang lalaki matapos itong magnakaw ng panabong na manok at tangkang panananaksak sa may-ari nito sa Barangay Tandang Sora, Quezon City.
Nakakulong ngayon sa QCPD-station 3 ang suspek na nakilalang si Jose Dequit.
Kwento ng may-ari na si Ronald Balladares, nakita niyang nakamtambay ang suspek sa labas ng kanilang bahay at nang umalis ito ay may bitbit ng sako.
Dito na niya napansin na wala na ang alagang manok at nang komprontahin ang suspek ay inundayan pa siya nito ng saksak.
Nakatakbo ang suspek papalayo pero hinabol at inabutan siya ng mga taong bayan sa kanto ng Mindanao at Visayas Avenue na tiyempo naman may police mobile sa lugar kaya siya nadakip.
Narekober sa kaniya ang manok na panabong pero itinanggi pa din ng lasing na suspek ang paratang, subalit hindi naman niya maipaliwanag ang kutsilyo na ginamit sa biktima na narekober ng pulis matapos niya itong itapon.