Lalaking Nagpakilala Bilang NPA, Arestado sa Pangingikil!

Santiago City, Isabela- Arestado ang isang lalaki matapos mangikil sa isang drayber sa isinagawang Entrapment Operation ng pinagsanib pangkat ng PNP Station 1 Santiago City sa pangunguna ni PCI Rolando Gatan, SCPO, CIDG at City Intelligence Branch (CIB) ganap na ala una ngayong araw, Marso 5, 2018 Fuorlanes Malvar, Santiago City, Isabela.

Kinilala ang lalaki na si Michael Dela Cruz aka “Marco”, nasa tamang edad at residente ng Paracelis, Mt. Province habang ang biktima naman ay kinilalang si Manuel Furuc, 58 anyos, may asawa, drayber ng Van at residente ng Brgy. Mabini, Santiago City, Isabela.

Sa pakikipanayam ng RMN Cauayan News Team kay PO2 Invest. Arnel Mamaclay ng PS 1 Santiago City, lumapit at pinagbantaan umano ni Dela Cruz si Furuc noong biyernes ng gabi (Marso 2, 2018) at sinabing may nag-utos sa kanya na papatayin siya subalit hiningian na lamang niya si Furuc ng sampung libong piso (10,000.00) kapalit ng kanyang kaligtasan.


Ayon naman sa pahayag ng biktimang si Furuc, nagpakilala umano sa kanya si Dela Cruz bilang isang kasapi ng NPA kaya’t nakiusap siya na didiskartehan niya ang hinihinging halaga nito at napagkasunduang magkikita sila kinabukasan (Marso 3, 2018) sa fourlanes na kanya namang kinuhang pagkakataon upang humingi ng tulong sa pulis.

Kaninang umaga ay ikinasa na ng mga awtoridad ang Entrapment Operation na nagresulta sa pagkadakip ni Dela Cruz at nakuha mula sa kanya ang sampung libong piso na ginamit sa operasyon.

Sa pakikipanayam naman ng RMN Cauayan News kay Dela Cruz ay itinanggi niyang isa siyang kasapi ng New Peoples Army o NPA at tumanggi nang magbigay ng ibang pahayag.

Nasa kamay na ng pulisya si Dela Cruz at inihahanda na ang kasong Robbery Extortion laban sa kanya.

Facebook Comments