BERKSHIRE, England – Sinentensyahan ng 25 taong pagkakakulong ang isang lalaki matapos pagtangkaan ang buhay ng asawa’t mga kaanak nito dahil sa takot na malaman nila ang sikretong hindi siya tunay na doktor.
Nasintensyahan noong Lunes, Pebrero 5, si Satya Thakor, 35, nang mapatunayang tinangka niyang patayin ang kanyang asawang si Nisha, ang nanay at mga kapatid nito noong Mayo nakaraang taon.
Ayon sa ulat ng the Telegraph, nagkakilala si Thakor at Nisha noong nag-aaral sila ng biochemistry sa London University ngunit sa kasamaang-palad ay hindi raw pumasa si Satya sa eksaminasyon para sa pagiging isang doktor.
Imbis na aminin ay nagkunwari itong nagsasanay na sa pagiging isang physician sa loob ng mahabang panahon.
Naiulat na araw-araw daw itong nagpupunta sa library para magbasa ng mga medical books upang matuto ng mga professional lingo at nagpanggap din itong nagtatrabaho sa gabi.
Lumabas ang katotohanan nang humiling si Nisha ng isang dream vacation kasama ang kanilang anak sa Los Angeles.
Dahil wala umano itong pera para sa gustong mangyari ng asawa, nagpasya siyang patayin ang kanyang biyenan para raw mapahaba pa ang oras.
Tinakpan niya ng unan sa mukha ang matanda na agad namang nahuli ni Nisha.
Gamit ang hawak na kutsilyo ay sunod niyang sinubukang saksakin sa leeg at binti ang asawa.
Nang pumasok na sa eksena ang kapatid na lalaki ni Nisha ay inatake rin ito ng suspek.
Hindi rin niya pinaligtas ang kapatid nitong babae na sinaksak din niya habang natutulog sa kwarto.
Nahatulan noong Disyembre nakaraang taon si Thakor ng three counts of attempted murder sa pag-atake sa kanyang asawa at mga in-laws.
Nabigyan din siya ng wounding of intent to cause grievous bodily harm sa pag-atake naman nito sa kanyang sister-in-law.
Ayon kay Judge Paul Drugdale, isang liham mula kay Thakor ang kanyang natanggap na nagsasabing nagawa nito ang krimen sa takot na maabanduna ng naturang pamilya.
“The shame of not being able to graduate as a doctor and the fear of admitting this would cause my family and friends to abandon me and my upcoming wedding to be called off, led me to lie and say that I had graduated and become a doctor,” saad sa nasabing sulat.
Gayon pa man, hindi nito nabago ang desisyon ng hukom.