
Arestado ang isang 19 anyos na lalaki matapos umanong manindak at magpaputok ng baril laban sa dalawang construction worker sa Laoac, Pangasinan dakong 1:30 ng hapon, Nobyembre 23, 2025.
Ayon sa paunang imbestigasyon, binabagtas ng dalawang biktima, isang 25 anyos at isang 23 anyos ang kalsada sa nasabing lugar nang bigla silang harangin ng suspek.
Nagulat ang mga biktima nang ihagis umano ng suspek ang isang kaldero sa kanila. Nang tinangka nilang umalis, muli silang hinarang ng kapatid ng suspek.
Ilang sandali pa, bumalik ang suspek sa kanilang bahay at muling lumabas habang may dalang NORINCO 9mm pistol. Itinutok niya umano ang baril sa 25 anyos na biktima, dahilan upang tumakbo ang 23 anyos na kasama nito.
Hinabol at pinaputukan pa raw ng suspek ang tumatakbong biktima ngunit masuwerte itong hindi tinamaan.
Agad na nagtungo ang mga biktima sa Laoac Municipal Police Station upang iulat ang insidente. Rumesponde ang mga pulis at nang makarating sa lugar, kusang isinuko ng suspek ang ginamit na baril. Narekober din sa crime scene ang isang basyo ng bala na pinaniniwalaang mula sa parehong kalibre.
Bagama’t tumangging magsampa ng kaso ang mga biktima, nabigong magpakita ang suspek ng anumang dokumentong nagpapatunay na legal niyang pagmamay-ari ang baril. Dahil dito, agad siyang inilagay sa kustodiya ng Laoac MPS para sa karagdagang imbestigasyon.
Kasalukuyan nang inihahanda ang kasong Paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) para sa inquest proceeding laban sa suspek. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









