
Naaresto sa ikinasang follow-up operations ang nagsilbing lookout sa pamamaril na ikinasawi ng dalawang magkapatid sa bahagi ng Genoveve St., Brgy. Gulod, Quezon City nitong Miyerkules.
Kinilala ng Quezon City Police District (QCPD) ang suspek sa alyas ‘Joseph’ na itinuturing din na kasabwat ng dalawang gunman at mahaharap sa kasong Murder.
Base sa ulat ng QCPD, naghahanda ang mga nasawing biktima kabilang ang apat na buwang buntis kasama ang kanilang kapitbahay na sugatan nang biglang pasukin ng dalawang lalaki at walang habas silang pinagbabaril.
Dead on the spot ang magkapatid matapos na magtamo ng tama ng bala sa ulo at katawan habang naisugod naman sa ospital ang kanilang kapitbahay.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang matugis ang nasa likod ng pamamaril.









