Lalaking naka-quarantine, pinagsasaksak sa loob ng isolation facility

916

Patay ang 33-anyos na lalaking na-stranded mula Surigao para mag-quarantine nang pagsasaksakin ito habang nasa loob ng isolation facility sa Barangay Cabinuangan, New Bataan, Davao De Oro.

Ayon sa report ng New Bataan police, Huwebes ng madaling araw nang pasukin ng suspek na kinilalang si Remar Villaren ang biktimang si Arjay Villasencio sa likod na bahagi ng pasilidad para gawin ang krimen.


Pinagsasaksak sa bandang kili-kili si Villasencio matapos silang magtalo sa loob na agad nitong ikinamatay.

Dagdag ng pulisya, ikalawang araw pa lamang noon ng biktima sa quarantine nang mangyari ang insidente.

Lumalabas naman sa imbestigasyon na love triangle ang motibo ng krimen.

Ayon kay Police Capt. Churchill Pablo Angog Jr., hepe ng New Bataan police, napag-alamang ang kinakasama ngayon ng biktima ay dating kinakasama ng suspek.



Samantala, sinampahan na ng kasong murder si Villaren matapos itong sumuko sa pulisya.


Matinding galit daw ang nagtulak sa kanyang gawin ang krimen.

Pinaalalahanan naman ng awtoridad na mas paigtingin ang seguridad sa pasilidad para hindi na umano maulit ang insidente.

Facebook Comments