Lalaking nang-blackmail sa isang minor na ipapakalat ang sex video, arestado

Naaresto ng mga operatiba ng Philipine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa ikinasang entrapment operation ang isang lalaki na nang-black mail sa isang 16 na taong gulang na babae sa kanilang sex video sa Quezon province.

Ang suspek ay kinilalang si alyas “Noli”, helper ng kanilang family business na ukayan sa Tayabas City.

Sa pulong balitaan sinabi ni ACG Director PBGen. Wilson Asueta, nakilala ng biktima ang suspek sa social media noong Setyembre kung saan sa kaparehong buwan ay inimbitahan sya nito sa kanyang apartment at nangakong magbibigay ng 200 pesos at iba pang regalo kung saan isinagawa na din nito ang panghahalay.

Ayon pa kay Asueta, hindi agad ito ni-report ng nasabing biktima dahil tinakot umano sya na may baril ang suspek ngunit nitong Nobyembre 18 ay nagpadala ang suspek ng sex video nito sa kaibigan ng biktima kung saan tinakot umano ito na kung hindi makikipagkita ay ipapakalat ang nasabing video.

Ito ang nag-udyok para sabihin ng kaibigan ng biktima sa magulang ng nasabing batang babae at para mai-report sa otoridad.

Sa ngayon ang suspek ay nasa kustodiya na ng pulisya at nahaharap sa patong patong na kaso.

Nagpaalala naman si Asueta sa mga magulang at mga nakakatanda patungkol sa paggamit ng social media ng mga kabataan.

Kaugnay nito, ang biktima ay dinala na rin sa local social welfare office para sa assistance.

Facebook Comments