Lalaking ‘nanggahasa’ ng paslit, sugatan matapos tumalon sa bintana para makatakas

Courtesy RMN Zamboanga

ZAMBOANGA CITY –Ā Nagtamo ng pasa at sugat ang isang rape suspect matapos subukang tumakas sa pamamagitan ng pagtalon sa ikalawang palapag ng Hall of Justice building.

Ayon sa pulisya, dinala sa nasabing gusali ang suspek na si Raul Gamas para sumailalim sa inquest proceedings, pasado alas-11:30 ng umaga nitong Martes.

Nadakip si Gamas makaraang itinuro ng mga saksi na gumahasa sa isang 3-anyos na babae sa Barangay Tugbungan noong Lunes ng gabi.


Batay sa imbestigasyon, nagpaalam daw sa kanila ang salarin na pupunta muna sa palikuran upang umihi.

Subalit imbis na ‘jumingle’, dumiretso siya sa binatang nakabukas patungo sa balkonahe.

Dahil sa sobrang taas ng gusali, naglambitin muna sa balkonahe si Gamas bago tuluyang malaglag.

Agad nabigyan ng paunang lunas si Gamas at naisugod pa siya sa pinakamalapit na pagamutan.

Paglilinaw ng awtoridad, nakaposas ang kamay ng suspek nang pumasok sa gusali at palikuran kaya laking gulat nila kung paano niya ito naalis.

Patong-patong na kaso ang haharapin ngayon ng salarin bunsod ng ginawang pagtakas.

Facebook Comments