
Hindi na nakapalag pa ang isang 39 anyos na lalaki nang maaresto ng mga operatiba mula sa District Special Operations Unit ng Northern Police District sa kanilang ikinasang entrapment operations sa isang apartelle sa Mabini Street, Maypajo, Barangay 25, Caloocan City.
Matapos na i-monitor ng mga awtoridad ang 21 anyos nitong biktima kung saan nanghihingi ang suspek sa kaniya ng 5,000 pesos kapalit ng hindi pagpapakalat ng malalaswang larawan at video online.
Ayon kay NPD-DSOU Chief PCol. Emmanuel Gomez, ang modus ng suspek ay gagamit ng ibang pagkakakilanlan online at aalukin ng pagkakakitaan ang mga biktima nito.
Dito na isasagawa ng suspek ang malaswang aktibidad kung saan gagamitin pa ang cellphone ng biktima bilang video recorder.
Pagkatapos ay tsaka nito nanakawin ang cellphone ng biktima at gagamitin ito sa pangingikil at pangbibiktima ng ibang tao.
Narekober sa nasabing operasyon ang pera, cellphone, at isang bag na naglalaman ng caliber .38 revolver na kargado ng apat na bala.
Samantala, lumalabas sa records ng pulisya na dati nang may kaso ang suspek na may kinalaman sa cybercrime at posibleng hindi lamang iisa ang nabiktima nito bago ito maaresto ng mga awtoridad.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang suspek sa ginawa nitong krimen.
Kasalukuyang nakakulong sa NPD-DSOU ang suspek na mahaharap sa kasong robbery-extortion na may kaugnayan sa RA 10175 o ang Cybercrime Prevention Act at RA 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.









