Lalaking nasita, nahulihan ng higit P300,000 halaga ng marijuana sa Tondo, Maynila

81

Arestado ang isang lalaki matapos masita at mahulihan ng marijuana sa Tondo, Maynila.

Nakilala ang nadakip na si Judem Alleck Padilla na residente ng Brgy. 14 sa Tondo.

Sa imbestigasyon, nagkasa ng Oplan Sita ang mga tauhan ng Moriones Tondo Police Station sa may bahagi ng Asuncion Street kanto ng Recto Avenue kung saan naispatan nila ang suspek saka ito kinuwestyon.


Napansin ng mga awtoridad na tila hindi mapakali at natataranta ang suspek kaya’t inusisa ang dala nitong malaking kahon.

Nakita rito ang limang MP3 wireless speakers kung saan ng buksan ito ng mga pulis, nasa pitong bloke ng marijuana ang laman nito na nakabalot sa plastic.

Nabatid na umaabot ng halos tatlong kilo ang bigat ng nasabing iligal na droga na nagkakahalaga ng P354,000.



Nananatili naman tahimik ang suspek kung saan niya ito nakuha o kung sino ang source niya ng marijuana habang nakatakda naman na siyang i-inquest ngayong araw.

Facebook Comments