Lalaking nawalan ng malay matapos mabagok ang ulo, nailigtas sa tulong ng smart watch

Facebook/Gabe Burdett

Isang siklistang nawalan ng malay mula sa matinding pagkakasemplang ang nasagip ang buhay sa pamamagitan ng Apple Watch.

Nagma-mountain biking sa Riverside State Park sa Washington si Bob Burdett nang tumilapon siya at tumama ang ulo sa semento, nakaraang Linggo.

Masuwerte namang suot-suot niya ang Apple Watch na simula noong 2018 ay naglagay ng feature na tinatawag na Fall Detection.


Na-detect ng smart watch ang matinding pagkbagsak ni Burdett kaya automatic itong tumawag sa 911 at nagpadala ng mensahe sa emergency contacts.

Sa Facebook post ng anak niyang si Gabe Burdett, ibinahagi nito ang aksidente at screenshot ng natanggap niyang text mula sa Apple Watch ng ama.

Agad pinuntahan ng batang Burdett ang lokasyon ng ama pero hindi niya na ito naabutan dahil dinala na sa ospital si Bob at dumating doon 30 minuto makalipas ang pagsemplang.

Wala namang maalala sa aksidente si Burdett maliban nang magising siyang nasa ambulansya na.

Maayos na ang lagay niya, habang may basag naman ang kanyang Apple Watch, na ngayon ay bayani na ng pamilya.

Paalala ng anak sa ibang nagmamay-ari ng Apple Watch, huwag kalimutang i-set up ang fall detection feature.

Facebook Comments