Lalaking pasahero na gumamit ng pekeng dokumento, naharang ng BI sa NAIA

Naharang ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang lalaking pasahero na nagtangkang makalabas ng bansa gamit ang pekeng Overseas Employment Certificate (OEC).

Ayon sa Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES), naharang ang pasahero bago makasakay ng Cebu Pacific flight patungong Hong Kong.

Lumalabas na pekeng dokumento ang ipinakita nito na orihinal na inisyu para sa ibang tao na karaniwang nakukuha mula sa mga ilegal na nagbebenta online na nanlilinlang sa mga Pilipinong nagnanais magtrabaho abroad.

Una nang nagbabala ang ahensya na ang paggamit ng pekeng dokumento ay hindi lamang paglabag sa batas, kundi naglalagay rin sa mga biyahero sa posibilidad na mabiktima ito ng human trafficking at iba pang uri ng pananamantala.

Samantala, tiniyak ng BI na patuloy nitong palalakasin ang kampanya laban sa iligal na paglalakbay at pekeng dokumento, upang masiguro ang kaligtasan at proteksiyon ng mga Pinoy.

Facebook Comments