LALAKING SANGKOT SA PANG-AABUSO AT ILEGAL NA DROGA, NASAKOTE

Cauayan City – Himas rehas ngayon ang isang lalaki matapos itong maaresto ng mga awtoridad sa lungsod ng Cauayan matapos masangkot sa dalawang magkaibang kaso.

Sa nakuhang impormasyon ng IFM News Team sa Cauayan City Police Station, nag-ugat ang pagkakaaresto sa suspek na si alyas “George”, 34 anyos, matapos nilang makatanggap ng report mula sa isang concerned citizen kaugnay sa di umano’y pananakit ng suspek sa kinakasama nito.

Habang kasalukuyan ang ginagawang pag-aresto kay alyas “George”, tumambad sa mga awtoridad ang apat na silyadong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakalagay sa ibabaw ng lamesa na matatagpuan sa pasilyo ng bahay.


Ang nabanggit na hinihinalang shabu ay tinatayang may bigat na 0.48 grams at nagkakahalaga ng P3,264.00

Matapos ang tagumpay na operasyon, kaagad na dinala sa Cauayan City Police Station ang mga ebidensya maging ang suspek na nakatakdang maharap sa kasong paglabag sa RA 9262 o Anti Violence Against Women and their Children at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Facebook Comments