LALAKING SINITA DAHIL SA OVERSPEEDING, KULONG MATAPOS MAGBANTA

Cauayan City – Sa kulungan ipinagdiwang ng isang lalaki ang kapaskuhan matapos na maaresto ng mga awtoridad nang pagbantaan nito ang nakaalitan sa Brgy. Nagrumbuan, Cauayan City, Isabela.

Ang suspek ay kinilalang si alyas “Jed”, 25 anyos, residente ng nabanggit na barangay, habang ang pinagbantaan nito ay kinilala namang sa pangalang Erwin, 36 anyos, at mula sa Brgy. Gagabutan, Cauayan City, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng IFM News Team sa Cauayan City Police Station, habang nagkakasiyahan ang biktima at mga kasama nito, dumaan ang suspek sa lugar sakay ang Mitsubishi Montero na mabilis ang takbo dahilan upang muntik mabundol ang isang lalaki.


Nang muling dumaan ang suspek sa lugar, nilapitan siya ng biktima at mga kasamahan nito upang pagsabihan na mag dahan-dahan sa pagmamaneho ngunit sa halip na makinig, ay umalis ito.

Ilang minuto lamang ang nakalipas, muling bumalik ang suspek sa lugar at dito na nagbanta na pagbabarilin niya ang mga ito habang ipinapakita ang Bushmaster Caliber 223 rifle na kanyang dala at dinuro ang biktima at saka muling umalis.

Kaagad namang rumesponde sa lugar ang Brgy. Kagawad kasama ang isang pulis, at nang muling bumalik ang suspek ay dito na ito dinakip kasama ang kanyang baril na naglalaman ng limang bala.

Sa ngayon ay nasa kustodiya pa rin ng Cauayan City Police Station ang suspek na mahaharap sa kasong Grave Threat at paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Ammunition Regulation Act.

Facebook Comments