
Cauayan City – Patay ang isang 36-anyos na lalaki matapos bumangga ang kanyang motorsiklo sa likod ng isang dump truck sa Solana, Cagayan kahapon ika-28 ng Enero.
Ayon sa Solana PNP, nasa proseso ng pag-atras ang dumptruck mula sa gilid ng daan habang paparating naman ang motorsiklong sinasakyan ng biktima.
Sinubukan pang pahintuin ng pahinante ng truck ang motorsiklo, ngunit dahil sa bilis ng takbo at madulas na kalsada dulot ng pag-ulan, hindi agad nakapagpreno ang biktima dahilan upang sumalpok ito sa dumptruck.
Bagama’t may suot na helmet, nagtamo pa rin ang biktima ng malubhang pinsala sa ulo at katawan na naging dahilan ng kanyang pagkasawi.
Hawak na ngayon ng pulisya ang 23-anyos na driver ng dump truck habang hinihintay ang pamilya ng biktima para sa kaukulang dokumentasyon.