Arestado ang isang 30-anyos na lalaki mula sa Bayambang matapos mahuling nagbebenta ng buhay na aso sa Basista, Pangasinan, paglabag sa Republic Act 8485 na inamyendahan ng RA 10631 o Animal Welfare Act.
Ayon sa ulat, personal na nagtungo sa Basista Municipal Police Station ang Regional Manager ng Animal Welfare Investigation Project mula sa Kalibo, Aklan upang isumbong ang nakatakdang paghahatid ng isang aso na planong ipasok sa ilegal na bentahan ng karne ng aso.
Agad na nagsagawa ng operasyon ang Basista MPS kasama ang nag-ulat upang beripikahin ang impormasyon.
Isang confidential asset ang itinakda upang makipagkita sa suspek sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang bibili.
Dakong 9:30 ng umaga, dumating ang suspek sa napagkasunduang lugar na may dalang sako na mahigpit ang pagkakatali at may paggalaw.
Sa mismong transaksyon, binuksan nito ang sako at nakita ang isang buhay na aso na ang mga paa ay nakatali gamit ang nylon rope at straw lace.
Dahil dito, agad siyang inaresto ng mga operatiba.
Una nang binigyang-diin ni Animal Kingdom Foundation Program Director Atty. Heidi Caguioa sa panayam ng IFM News Dagupan ang mahigpit na pagbabawal sa pagbebenta at pagkatay ng aso at pusa, lalo na para sa karne.
Sa ilalim ng National Meat Inspection Law, ang sinumang mahuhuling sangkot sa ‘hot meat’ ay maaaring pagmultahin ng hanggang isang milyong piso at makulong.







