Lalaking suspek sa pangmomolestya sa 7-anyos, patay matapos aksidenteng mabaril ng pulis sa Pasig

Pasig City – Patay ang isang lalaking suspek sa kasong pamomolestiya sa isang pitong taong gulang na bata sa Pasig City matapos na aksidenteng mabaril ng pulis.

Kinilala ang suspek na si Paolo Nel Pabale, 31-anyos na taga-Cainta, Rizal.

Sa ulat, alas 7:30 kagabi nang magtungo sa Pasig City Police ang complainant na si Annaliza Villagen at inireklamo ang umano’y panghihipo ng suspek sa kanyang anak.


Isa pang babae ang nagreklamo rin laban kay Pabale dahil sa kaparehong kaso.

Dahil dito, agad na hinanap ng mga pulis si Pabale at lasing nang maaresto sa isang KTV bar sa Ortigas.

Habang sakay ng police mobile, bigla umanong nag-amok ang suspek at nang-agaw pa ng baril.

At sa kalagitnaan ng girian, doon na aksidenteng nabaril sa ulo ni PO1 Rey Pacis si Pabale.

Naisugod pa sa Pasig City General Hospital ang suspek pero idineklara ring dead on arrival.

Facebook Comments