LALAKING TULAK NG ILEGAL NA DROGA, NAKORNER SA LUNGSOD NG CAUAYAN

Cauayan City – Hindi na sinubukan pang itanggi ng isang lalaki ang paggamit at pagtutulak nito ng ilegal na droga matapos itong maaresto sa ikinasang Anti-Illegal Drug Buy-bust operation kahapon, unang araw ng Oktubre, sa Brgy. Maligaya, Cauayan City, Isabela.

Ang nadakip ay kinilalang si alyas “Jugs”, 45 anyos, residente ng nabanggit na Barangay, at kabilang sa listahan ng mga dating drug surrenderees sa kanilang lugar.

Sa ikinasang operasyon, positibong nabentahan ng suspek ang awtoridad na nagpanggap na buyer ng dalawang silyadong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, buy-bust money na kinabibilangan ng isang tunay na 1000 peso bill at isang 1000 peso bill boodle money, cellphone, at motor.


Samantala, kaagad namang isinagawa ang pagmamarka at pag-iimbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensya sa presensya ng suspek, DOJ Representative, media representative, at Brgy. Official ng Maligaya.

Ayon sa suspek, ito na sana ang huling beses na gagamit at maglalako ito ng ilegal na droga dahil desidido na itong magbago pagkatapos ng kanyang kaarawan ngayong buwan, subalit dahil sa pagkakasangkot nito sa ilegal na droga at mahaharap ito sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Facebook Comments