LALAKING TUMALON SA ILOG HABANG NANGUNGUHA NG KAHOY, PINAGHAHANAP

Cauayan City – Patuloy na pinaghahanap ngayon ang isang lalaking tumalon sa ilog sa Bayan ng Iguig, Cagayan habang kasalukuyan itong nangunguha ng mga inanod na kahoy.

Ang hinahanap at si Jonnyfer Callueng, 37 anyos, residente ng Brgy. San Vicente, Iguig, Cagayan.

Sa ibinahaging impormasyon ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer na si Susan Darauay, pumunta umano sa gulid ng ilog ang lalaki kasama ang kanyang mga kaanak upang manguha ng mga inanod na kahoy kasabay ng pagtaas ng antas ng tubig sa ilog dahil sa bagyong Kristine.


Nang makita ang isang malaking kahoy na inaanod, kanya itong tinalon subalit kasunod nito ay hindi na siya nakaahon pa.

Dahil sa bilis ng pangyayari ay hindi na rin siya nagawang saklolohan pa ng kanyang mga kasamahan kaya naman ipinagbigay alam na lamang nila sa mga awtoridad ang nangyari.

Sa ngayon ay puspusan pa rin ang paghahanap ng kinauukulan sa nawawalang lalaki.

Facebook Comments