
Isang 60 anyos na magsasaka ang nagtamo ng sugat sa ulo matapos mabundol ng isang tricycle sa San Manuel-San Nicolas Road, Brgy. San Bonifacio, San Manuel, Pangasinan.
Agad itong nai-report sa San Manuel Police Station na kaagad namang rumesponde at nakarating sa lugar ng insidente.
Kinilala ang drayber ng tricycle na isang 61-anyos na residente rin ng San Manuel. Napag-alamang walang driver’s license ang drayber at nasa impluwensya ng alak noong oras ng insidente.
Ayon sa saksi, tumatawid ang biktima patungo sa kabilang bahagi ng kalsada nang biglang mabangga ng tricycle na noon ay binabaybay ang kalsada pa-timog tungo sa San Manuel.
Nagresulta ang aksidente sa head injury ng biktima, habang hindi naman nasaktan ang driver. Kapwa dinala ang mga ito sa RHU San Manuel para sa medikal na pagsusuri at paggamot.
Matapos ang eksaminasyon, dinala ang driver at ang biktima sa San Manuel Municipal Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon ng kaso. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









