Lalaking Tumatawid sa Kalsada, Nabangga-Patay!

*Cabatuan, Isabela-* Patay ang isang magsasaka matapos mabangga ng sasakyan ganap na alas syete kagabi sa pambansang lansangan ng Brgy. Calaocan, Cabatuan, Isabela.

Kinilala ang nasawing biktima na si Romeo Binoya, 52 anyos, at residente ng Brgy Calaocan, Cabatuan, Isabela habang ang suspek ay nakilalang si Jaime Laguindo, 51 anyos, negosyante at residente ng Brgy San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng PNP Cabatuan, binabaybay ng suspek ang kahabaan ng Brgy Cabatuan patungong Cauayan City lulan ang minamanehong Ford Ranger nang biglang tumawid ang biktima at hindi umano agad nakapag preno ang suspek na dahilan ng pagkabangga ng biktima.


Nagtamo ng matinding pinsala sa katawan ang biktima at naisugod pa sa pagamutan subalit binawian din ito ng buhay.

Dinala na sa PNP Cabatuan ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Facebook Comments