Cauayan City, Isabela- Isasailalim sa state of calamity ang lalawigan ng Batanes dahil sa lawak ng iniwang pinsala ng bagyong Kiko.
Ayon kay Batanes Governor Marilou Cayco, marami sa mga bahay ng residente ang nailipad ang bubong at tuluyang nasira.
Isa aniya sa mga pangunahing kailangan ngayon ng Lalawigan ng Batanes ay mga yero para sa pagsasaayos ng mga nasirang bahay.
Maging ang bubong ng kapitolyo ay hindi nakaligtas sa hagupit ng Bagyong Kiko dahil inilipad din ng malakas na hangin na dala ng bagyo.
Samantala, ayon naman sa Office of the Civil Defense (OCD) Region 2, may 20 na pamilya ang apektado ng bagyo sa probinsya ng Batanes kung saan anim (6) na pamilya ang nasa loob pa rin ng evacuation center.
Kasalukuyan na rin ang ginagawang damage assessment sa lugar para malaman ang kabuuang halaga ng mga iniwang pinsala ng nasabing bagyo.