Lalawigan ng Occidental Mindoro, hindi na umano nakararanas ng brownout

Tiniyak ng National Electrification Administration (NEA) sa Senado ang tuluy-tuloy na suplay ng kuryente sa Occidental Mindoro.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Energy patungkol sa power interruptions at operasyon ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), iniulat ni NEA Administrator Antonio Mariano Almeda na mula April 28 hanggang sa kasalukuyan ay hindi na nakararanas ng brownout ang buong probinsya.

Kumpiyansa ring sinabi ni Almeda na 100% na energize na ang buong Occidental Mindoro matapos niyang kausapin ang may-ari ng Occidental Mindoro Consolidated Power Corporation (OMCPC) noong April 27 para paganahin ang Samarica power plant na makapagsusuplay ng 20 megawatts na dagdag na kuryente sa lalawigan.


Paliwanag ni Almeda sa mga senador, hindi kasi napapagana ang nasabing power plant dahil sa kawalan ng provisional authority mula sa Energy Regulatory Commission (ERC).

Kinumbinsi umano ng NEA ang OMCPC na paganahin ang Samarica Power Plant at tutulungang asikasuhin ang mga legal na dokumentong kailangan para matulungan ang mga residente sa Occidental Mindoro na ilang buwan nang nagtitiis sa apat na oras lang na suplay ng kuryente kada araw.

Bago ito ay humingi muna siya ng “go signal” kay Energy Sec. Raphael Lotilla at saka binigyan ng isang araw para mapagana ang power plant.

Tinanong naman ni Energy Committee Chairman Senator Raffy Tulfo ang NEA kung ano ang katiyakan na hindi na mauulit ang power outages sa lalawigan.

Siniguro ng NEA sa Senado na tinutulungan nila ang OMCPC sa pagaasikaso sa kanilang provisional authority at nakikipagugnayan din ang ahensya sa Department of Energy (DOE) at ERC para sa pangmatagalang solusyon sa energy crisis sa Occidental Mindoro.

Facebook Comments