Umapela si Barangay Health Wellness (BHW) Partylist Rep. Angelica Natasha Co sa Inter-Agency Task Force (IATF) na ikonsidera ang land area, population size at density ng mga barangay para sa pagpapatupad ng granular lockdown.
Iginiit ni Co na ang classification ng mga barangay na “high-risk” at “low-risk” sa COVID-19 ay hindi sapat para makontrol ang pagkalat ng sakit.
Paliwanag ni Co, bagama’t sang-ayon siya sa implementasyon ng granular lockdown, kailangang ikonsidera dito na mayroong mga barangay na may malaking populasyon, mataas na population density at malawak na land area o lupain.
Kailangan aniyang pag-aralan ito at matiyak ng IATF at mga alkalde na may mga hakbang na nakalatag upang maiwasan ang “cross pollination” o paglipat ng mataas na kaso sa ibang mga barangay.
Ilan sa mga measures para mapanatiling low-risk sa COVID-19 ang mga barangay at maiwasan ang paglipat ng sakit ay ang 100% na vaccination sa lahat ng transport workers, pagkakaroon ng mobile vaccination, testing at transport terminals at passenger pick up points, gayundin ang libreng COVID-19 testing, surgical face mask para sa mga pasahero at libreng KN95 face mask sa mga PUV drivers.