Land Bank, tatalima sa utos ni PRRD

Handang tumalima ang Land Bank of the Philippines sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na bumuo ng kongkretong plano para tulungan ang mga magsasaka.

Matatandaang nagbanta ang Pangulo sa kanyang ika-apat na SONA na ipapasara niya ang state-owned bank.

Sa statement ng Land Bank, sinabi nilang isasapuso nila ang mensahe ni Pangulong Duterte at susunod sila sa kanyang instruction.


Magsusumite sila ng report kung saan nakadetalye ang kanilang mga plano at programa bago matapos ang buwan.

Nanindigan din ang Land Bank na mananatili ang kanilang mandatong tulungan ang mga magsasaka at mangingisda at ang sektor ng agrikultura.

Pinalalakas din nila ang kanilang partnerships sa mga kooperatiba, farmer groups at associations, maging ang kolaborasyon sa iba pang ahensya ng gobyerno.

Nitong first quarter ng 2019, umabot sa 721 billion pesos ang ibinigay na loan ng Land Bank sa priority sectors, mataas ng 20% kumpara noong kaparehas na panahon noong 2018.

Ang priority sectors ay kinabibilangan ng mga mangingisda, magsasaka, msmes, agri at aqua projects sa mga LGU at GOCCS, transporasyon, komunikasyon, pabahay, edukasyon, healthcare, environment-related projects, turismo at utilities.

Facebook Comments