LAND GRABBING | Motibo sa pagpatay sa natalong kandidato sa pagka-kapitan sa Antipolo City, patuloy na inaalam ng PNP

Antipolo City – “Land grabbing” ang posibleng nakikitang dahilan ng pulisya hinggil sa pagpatay sa natalong kandidato sa pagka-Barangay Chairman sa San Isidro, Antipolo City.

Bukod sa napatay na biktima na si Rodolfo Lico, binaril din ng hindi nakilalang suspek na nagpanggap na delivery boy ng LBC courier service ang mga body guard nito na si Alfred Palanca at Tony Salandra.

Sa interview ng DZXL 558 kay Chief Superintendent Guillermo Eleazar, Regional Director ng Calabarzon PNP, patuloy nilang inaalam ang tunay na motibo sa insidente pero hindi nila isinasantabi kung may ibang grupo ang siyang responsable sa pagpatay kay Lico.


Dagdag pa ni Eleazar, dating pulis si Lico at marami itong mga kaso sa Barangay San Isidro at Antipolo City PNP hinggil sa pangangamkam ng lupa.

Isinasantabi na din ang anggulo ng pulitika dahil dapat sana ay isinagawa ang pag patay noon pang bago o araw ng eleksyon.

Samantala, nasa mabuting kalagayan na ang mga sugatang bodyguard ni Lico na kasalukuyang nasa Clinica Antipolo.

Facebook Comments