Inanunsyo ng Department of Agriculture (DA) na nakapagpautang na ang Land Bank of the Philippines ng ₱4.3-B sa anim na lokal na pamahalaan para sa kanilang local palay procurement.
Sa virtual presser ng DA, sinabi ni Assistant Secretary Noel Reyes na kabilang sa nag-loan sa ilalim ng PALAY ng Lalawigan Lending Program ay ang Provincial Government ng Nueva Ecija, City Government ng Cabanatuan sa Nueva Ecija, Provincial Government ng Isabela, Municipal Government ng Alicia sa Isabela, Provincial Government ng Tarlac, at ang Provincial Government ng Camarines Sur.
Maliban sa direktang pamimili ng palay sa mga local farmers, gagamitin ng naturang mga Local Government Units (LGUs) ang inutang na pera para sa pagbili ng farm machineries at post-harvest facilities at sa mga rice-related activities.
Sa halip na ibenta ng mga magsasaka ang kanilang ani sa paluging presyo sa mapagsamantalang presyo, mismong LGU na ang mamimili ng kanilang produksyon.
Apela ni Reyes sa iba pang LGUs, mag-avail na rin ng naturang loan upang makatulong sa National Food Authority (NFA) sa pamimili ng palay ngayong panahon ng anihan.