LANDBANK, PINALAWAK ANG SUPORTA SA MGA MSME SA PAGLULUNSAD NG IBA’T IBANG PROGRAMA SA PANGASINAN

Pinalawak ng LANDBANK ang suporta nito sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa Pangasinan sa paglulunsad ng iba’t ibang programa na nakatuon sa pagpapalakas sa mga maliliit na negosyo.

Una rito ang Aliguas MSME Fair kung saan tampok ang iba’t ibang produktong agrikultural mula sa mga lokal na magsasaka, manufacturers, at kooperatiba sa lalawigan.

Para sa magsasakang si Jennifer mula sa Manaoag, magandang pagkakataon ang naturang MSME Fair upang magkaroon sila ng palaporma upang maipakita at maibenta ang kanilang mga produkto.

Pinadali naman ang ilang proseso sa pagnenegosyo sa paglulunsad ng LANDBANK SULONG MSME Solution Suite, isang bundled deposit and digital banking product na idinisenyo para sa pinabilis na mga serbisyo tulad ng account opening, pagbabayad, koleksyon, at remittances.

Kabilang rin sa mga inilunsad na programa ang LIFTING MSMEs Lending Program na layong magbigay ng mas accessible na serbisyo sa pagpapautang at pagpapatatag sa kakayahan ng mga negosyante.

Malaki ang pasasalamat ni Jovelyn, chairperson ng isang kooperatiba mula sa San Quintin, sa naturang programa dahil nabibigyan sila ng pagkakataon sa sapat na puhunan para sa pagsisimula ng kanilang negosyo.

Samantala, sa panayam naman kay LANDBANK First Vice President May D. Arizabal, nagpahayag ng patuloy na suporta ang tanggapan para matulungan ang mga MSME na magkaroon ng sapat na kabuhayan.

Sa ngayon ay mayroon nang 110 benepisyaryo ang LIFTING MSMEs Lending Program sa Pangasinan habang hinihikayat pa ng LANDBANK ang ibang maliliit na negosyo na pakinabangan ang nga programang inilulunsad ng pamahalaan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments