Nakikipagtulungan na rin ang Land Bank of the Philippines (LandBank) sa Department of Transportation (DOTr) at sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para mapabilis ang distribusyon ng fuel subsidy sa mga tsuper ng mga pampublikong sasakyan na apektado ng serye ng pagtaas ng presyo ng langis.
Kabilang dito ang agarang pagbibigay ng subsidiya na ₱6,500 sa Public Utility Vehicle (PUV) drivers.
Bukod pa rito ang patuloy na partnership ng LandBank sa Philippine Statistics Authority (PSA) para sa Philippine Identification System (PhilSys) registrants para magkaroon sila ng sariling bank account sa Landbank nang walang babayaran sa pagbubukas ng account.
Mula noong December 2021, 7.2 million na mga Pilipino na ang nakapagbukas ng libreng bank account sa nasabing bangko.
Matapos ang pagsasanib ng LandBank sa United Coconut Planters Bank (UCPB), ang LandBank ay naging ikalawang pinakamalaking lokal na bangko pagdating sa assets at pagtulong sa sektor ng agrikultura.
Sa ngayon, ang LandBank ay mayroon nang 607 na sangay at 71 branch-lite units sa buong bansa.
Kabilang na rito ang mga sangay ng LandBank sa 81 mga lalawigan.