LANDLORD, NASAWI MATAPOS PAGSUSUNTUKIN NG BOARDER

CAUAYAN CITY- Binawian ng buhay ang isang Landlord matapos mabagok ang ulo sa semento dahil sa panununtok ng sariling boarder sa bayan ng Brgy. Centro 11, Aparri, Cagayan.

Kinilala ang biktima sa pangalang Ireneo, 58-anyos, at residente ng nasabing barangay habang ang suspek ay si alyas “Jep”, 24-anyos, at residente ng Brgy. Centro 6 sa nasabing lugar.

Ayon sa pulisya, kinumpontra ng suspek ang biktima dahil pinutol nito ang suplay ng kuryente sa kanilang inuupahan dahilan upang magkaroon ng mainit na pagtatalo sa pagitan ng dalawa.


Batay sa salaysay ng suspek, inunahan niya lamang umano ang biktima na kanyang sinuntok ng tatlong beses na naging dahilan ng pagbagsak at pagtama ng kanyang ulo sa semento.

Nagawa pang isugod ang biktima sa pagamutan at malapatan ng lunas ngunit hindi kalauna’y binawian rin ito ng buhay.

Samantala, nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at mahaharap ito sa kasong homicide.

Facebook Comments