SUNOD-SUNOD NA LANDSLIDE, NAITALA SA SAN NICOLAS, PANGASINAN

Patuloy ang clearing operations ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga landslide-hit areas ng Brgy. Malico at Brgy. Sta. Maria East sa bayan ng San Nicolas, Pangasinan upang maibalik ang daloy ng trapiko at matiyak ang kaligtasan ng publiko.

Sa kabila ng hamon ng matarik na lupain at pabago-bagong panahon, tuloy-tuloy ang paggamit ng mga heavy equipment at ang pagtutok ng mga personnel para muling mabuksan ang mga pangunahing ruta at agad na masuportahan ang mga naapektuhang komunidad.

Samantala, malawak pa rin at lumalim ang tubig baha sa malaking bahagi ng Pangasinan na patuloy na nagpapahirap sa mga residente, lalo na sa mga mabababang lugar bunsod ng pagtaas pa ng lebel ng tubig sa mga ilog.

Nilinaw naman ng pamunuan ng San Roque Dam na hindi pa ito nagpapakawala ng tubig dahil malayo pa ito sa Normal High Water Level.

Bagama’t mayroon nang pasok sa ilang bayan at siyudad, nananatili pa rin ang banta ng mga pag-uulan na maaaring magdulot ng panibagong pagbaha at landslide.

Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang mga awtoridad sa lokal na pamahalaan upang masiguro ang mabilis na pagtugon sa pangangailangan ng mga apektadong mamamayan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments