Naga City, Cebu – Pahirapan ang search and rescue operation sa mga residenteng natabunan ng landslide sa Naga City, Cebu dahil sa mga malalaking bato na kasaling tumabon sa mga bahay.
Bukod sa mga backhoe, gumamit na ng mga K9 dog ang Philippine Coast Guard (PCG) para matunton ang mga residenteng nabaon sa lupa.
Ayon sa Naga Disaster Office, may 45 nang naiulat na patay sa landslide habang 34 pa ang tinutunton ng mga rescuer apat na araw matapos gumuho ang lupa sa higit 20 bahay sa Sitio Sindulan sa Barangay Tinaan.
Kabilang rin sa mga namatay ang dalawang contractor ng Apo Land and Quarry Corporation, na nasa quarry site nang mangyari ang landslide. May apat pang kontraktor ang hinahanap.
Nasa evacuation center naman ang mga nakaligtas na residente. Bilang pasasalamat sa panibagong tsansa sa buhay, nag-alay ng kanta ng papuri at pasasalamat ang choir members sa misa nitong Linggo.