Dalawang grupo ng mga Pilipino at kanilang mga pamilya na lumikas mula sa Ukraine ang dumating kagabi sa bansa.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ang unang grupo ay binubuo ng sampung indibidwal kung saan apat sa mga ito ang Filipino adults, 3 Filipino-Ukrainian children at kanilang mga ina na Ukrainian nationals.
Sakay ang mga ito ng Qatar Airlines flight at umalis sa Warsaw, Poland noong Sabado.
Bukod diyan, isa pang grupo na binubuo ng 2 Filipino adults, Filipino-Ukrainian na bata at kaniyang Ukrainian national na ina ang dumating din kagabi.
Samantala, inaasahang darating din sa bansa bukas ang 21 tripulanteng Pinoy na crew members ng M/V S-Breeze sakay ng Philippine Airlines PR-659.
Nauna nang dumating ang mga ito sa Moldova mula sa Chisinau at dinala sa Romania.
Habang 13 naman mula sa 31 na Pilipinong crew members ng Star Helena ang nakarating na sa Moldova noong nakaraang linggo at naghihintay na lamang ng kanilang repatriation.